Lugar kung saan isa-isang susuyurin ng aking paningin ang mga nakasabit na plastik sa malamig na rehas na gawa sa bakal. Kapagdaka'y titigil ang pag-inog ng aking daigdig sa hatid na kaligayahan ng mga bagay na aking namamasdan. Kaligayahang dagling mapapawi dahil kailangan kong gumawa ng isang malaking desisyon - ang mamili sa pagitan ng Pompoms at Wonder Boy.
Ganun kaespesyal ang mga sitsiryang aking nakagisnan. Kung kaya't magpasahanggang ngayon, aking itong hinahanap hanap at inaasam asam!
Muli nating balikan ang nakaraang dalawampu't higit pang taon at sariwain ang mga sitsirya ng dekada otsenta!
1. Pompoms - Ang all time favorite. Halos araw araw, ito na ang nakagisnan ng aking bituka na meryenda sa umaga, sa hapon at sa gabi! Ito ang pangunahing salarin kung bakit laging kulay orange ang aking daliri. Madalas pa nga, makunat na ang nabibili ko sa tindahan pero okay lang, solb pa rin!
2. Wonder Boy - Hindi ko alam kung saan sya gawa pero nasa kanya na ang lahat ng aking hinahanap hanap - malutong, maalat at meron syang mamula-mulang pulbos na maalat pa rin.
3. Haw Flakes - Ito ang opisyal na ostiya ng aking kabataan. Madalas, ako ang gumaganap na pari at sinusubuan ko ang aking mga kalaro na tila ba mga nangungumunyon. Maasim asim, maalat alat, manamis namis!
4. La La - Hindi ito yung sitsiryang may malaking isda. Ito yung parang chocolate bar na pinipilit na maging chocolate bar. Bagamat hindi ito ang aking ideya ng chocolate bar, may kakaibang ligaya ang hatid nito sa aking murang panlasa.
5. Pritos Ring - Barbeque-flavored snack - medyo maanghang, maalat at manamis namis. At syempre, hindi ito basta basta sinusubo lang. Una, ilalagay mo ito sa iyong mga daliri na tila sa isang sing sing at saka mo sya isa isang kakainin! Finger-lickin' good!
6. Pewee - Halos kalasa lang ito ng Pritos Ring, kaso di masyadong nakaka-excite kase isususbo mo lang sya.
7. Cheeze-It - Kapamilya ito ng Pewee (gawang Nutri Snack). Kagaya ng Pompoms, ito ang pangalawang salarin kung bakit nagkukulay orange ang aking mga daliri. Cheese flavor daw sya pero parang hindi naman pero masarap pa rin.
8. Kending Hubad - Dito ko unang naramdaman ang kapangyarihan ng pera! Singko sentimos lang kase ang isa nito. Para lang syang asukal na tumigas at kinulayan ng water color.
9. Bazooka - Ito yung kulay pink na bubble gum na may comics ang wrapper. Enjoy akong nguya nguyain ito nung bata ako kahit na masakit sa panga.
10. Frostee - Ito ang ice candy ng mayaman. Hindi kase to gawa sa bahay - gawang pabrika. Matigas ang plastik at iba-iba nag kulay. Ang ultimate pampalamig sa tag-init ng batang paslit!